Na-trauma ang apat na babaeng guro ng isang elementary school sa lalawigan ng Camarines Sur matapos pasukin ng isang lalaking armado ng baril ang kuwartong kanilang kinaroroonan, nagdeklara ng holdap at pagkatapos ay minolestya ang mga ito, Martes ng tanghali.
Base sa ulat ng Ocampo Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente tanghaling tapat nitong Martes nang magpanggap ang suspek na magpapa-enroll ng kanyang anak at nang makatiyempo ay pinasok ang classroom kung saan naroroon ang apat na guro, inilabas ang umano’y bitbit niyang baril at nagdeklara ng holdap.
“Ina-alleged natin na armado kasi hindi na-identify kung tunay na baril o replica,” sambit ni Ocampo MPS chief of police Police Major Rey Balindan.
Ayon kay Balindan, nang walang makuhang mahalagang bagay sa mga biktima ay isa-isa itong minolestya ng suspek.
Hindi na idinetalye pa ng opisyal ang pambababoy ng suspek sa mga gurong di na rin pinangalanan dahil sa ilan umanong maselang pangyayari.
Pagtakas ng suspek ay agad namang humingi ng tulong ang mga titser sa awtoridad.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon sa kaso at mayroon na umano silang person of interest.
Isinasailalim na sa medical examination ang mga biktima habang inirekomenda din ang pagsasailalim ng mga ito sa trauma debriefing.
Ipinauubaya naman na ng Department of Education (DepEd) Bicol, sa pulisya ang imbestigasyon.
“Such violence has no place in our society, much more in our schools which are supposed to be safe spaces for teachers and learners. Such violence should never be inflicted on anyone, much more to our hapless teachers who have been sacrificing their rest days to prepare our schools for the class opening,” pagkondena naman ng grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT).
“We demand that our colleagues be given all the needed support and assistance for them to obtain justice and rise above this dark experience,” dagdag ng grupo. (Edwin Balasa/Kiko Cueto)
The post Holdaper minanyak 4 Guro sa iskul first appeared on Abante Tonite.
0 Comments