LRT-2: Libreng sakay bawal sa magulang, guardian

Nilinaw ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na hindi kasama ang mga graduate school student at mga guardian o magulang ng mg estudyante sa libreng sakay na ibibigay nila.

Ginawa ni LRTA Administrator Hernando Cabrera ang paglilinaw dahil na rin sa nalalapit na pagsimula ng face-to-face classes sa Agosto 22.

Ayon pa kay Cabrera, sa kanilang pagtaya ay aabot hanggang 25,000 estudyante kada araw ang sasakay ng LRT-2 sa pagbubukas ng klase.

Tiniyak naman niyang handang-handa na sila para dito.

Aniya pa, mula Agosto 22 hanggang Nobyembre 5, 2022 puwedeng sumakay ng libre ang mga estudyante sa LRT-2. Subalit ito’y mula Lunes hanggang Sabado lamang at hindi kasama ang mga araw walang pasok tulad ng Linggo at holiday.

Pagsapit naman aniya ng Nobyembre 6 ay ibabalik nila ang 20% na diskuwento sa pasahe ng mga estudyante, senior citizen at persons with disability (PWD).

Kinakailangan lamang aniya ng mga estudyante na ipakita ang kanilang school ID at orihinal na enrollment form sa passenger assistance booth upang mabigyan sila ng single journey ticket para sa libreng sakay. (Dolly B. Cabreza)

The post LRT-2: Libreng sakay bawal sa magulang, guardian first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments