Ikinatuwa ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang pagpasa sa Republic Act 11926 o ang pinalakas na batas laban sa anti-indiscriminate firing o iyong mga taong walang habas magpapaputok ng baril.
Naniniwala si Dela Rosa, author ng RA 11926, mapanghihinaan ng loob ang mga sibilyan, pulis at militar sa pagpuputok ng baril dahil pinataas ang parusa para dito.
“Mahalaga po ito dahil through this law, ‘no, ay madi-discourage natin ang mga kababayan natin na walang habas magpapaputok ng kanilang mga baril during Christmas at tsaka New Year at saka mga ibang selebrasyon,” sabi ni Dela Rosa.
“Ina-amend lang natin ‘yung Revised Penal Code, ‘yung kanyang penalty, ‘no, ang penalty nito ay tinataasan natin ng one degree higher,” dagdag pa ng dating Philippine National Police (PNP) chief.
Sa ilalim ng batas, sinumang indibidwal na walang pakundangan magpaputok ng anumang uri ng baril ay may kaparusahang arresto mayor o mula isang buwan hanggang anim na buwang pagkakakulong.
“Kung ang lumabag sa batas na ito ay mga miyembro ng militar o alagad ng batas na awtorisadong tumangan ng baril ay pagkakakulong naman ng hindi hihigit sa anim na taon ang maaaring maging kaparusahan kung mapapatunayang gumamit sila ng baril labas ng serbisyo,” saad ni Dela Rosa.
Bukod sa parusa, kakanselahin din ang anumang firearm license o permit at ang lumabag ay hindi pagpapakalooban nito.
Sabi ni Dela Rosa, pangunahing layunin ng RA 11926 na isulong at ipreserba ang kaligtasan ng publiko.
“Opo, kailangan talaga dahil public safety ito, eh. Alam mo ang pulis, hirap na hirap every Christmas at saka New Year sa pagbabantay against indiscriminate firing, ‘no? Hindi na nga sila nagpa-Pasko, hindi na nagnu-New Year sa kanilang pamamahay. Talagang umiikot ‘yan sila during those days,” ani Dela Rosa.
“So, tulungan natin sila…dito tayo ngayon sa more on proactive or preventive aspect pagdating sa indiscriminate firing, para ma-discourage talaga sila na magpaputok ng baril ay pinapataasan natin ‘yung penalty,” dagdag pa niya. (Dindo Matining)
The post Parusa sa walang habas na pagpaputok binigatan first appeared on Abante Tonite.
0 Comments