Naniniwala si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., na ang napipintong face-to-face class ngayong buwan ay bubuhay rin sa maraming negosyo sa buong bansa.
Sa pinakahuling vlog ng Pangulo ay hinimok nito ang mga local government unit (LGU) na madaliin ang pagbabakuna para masiguro ang kaligtasan ng lahat sa sandaling magsimula na ang mga klase.
“Kapag ito ay naging matagumpay, hindi lang ito balik eskwela, kung ‘di balik negosyo. Balik hanapbuhay at balik kaunlaran. Ito’y masasabi ring malaking tulong sa malawakang kilusan natin nang pagbubukas ng ekonomiya,” ayon pa sa Pangulo.
Dagdag pa ni Marcos na ang pagbubukas ng klase sa Agosto 22 ay mangangahulugan ng pagsisimula ng mas maraming economic activity sa retail at transport sector.
“Kakailanganin ng mga estudyante na mag commute papuntang eskuwelahan kaya’t ang ating transport sector ay muli ring magkakaroon ng karagdagan na trabaho… Kailangan din ng mga estudyante ng mga school supplies at materyales. Isama mo na ‘yung pagkain kaya’t ang ating retail industry ay may karagdagang influx din ng salapi,” pahayag pa ng Pangulo.
Inaasahan na rin ng Pangulo ang pagdami ng mga magtatrabaho sa sandaling umarangkada ang balik-eskuwela.
“Marami ring mga magulang ang mas magkakaroon ng oras makapaghanapbuhay kapag nasa eskuwelahan na ang kanilang mga anak kaya madadagdagan ang ating workforce at mas marami rin silang magiging option sa pagpili ng trabaho dahil hindi na sila limitado sa online,” pahayag pa nito.
“Maraming industriya ang magiging bahagi at makikinabang sa hakbang na ito kung kaya’t dapat siguruhin natin na ang lahat ay handang-handa,” giit pa ni Marcos. (Prince Golez)
The post PBBM: Mga worker balik-trabaho, negosyo sisigla sa pasukan first appeared on Abante Tonite.
0 Comments