Umabot na sa 102,619 ang mga naitalang kaso ng dengue sa bansa sa unang pitong buwan pa lamang ng 2022.
Ayon sa Department of Health (DOH), ito ay 131% na mas mataas kumpara sa mga kaso ng dengue na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Base sa National Dengue Data na inilabas ng DOH nitong Lunes, nalaman na mula Enero 1 hanggang Hulyo 30 noong 2021, nakapagtala sila ng 44,361 kaso ng dengue sa bansa.
Pinakamarami ang naitalang kaso ngayong taon sa Region 3 o Central Luzon na nasa 18,664 kaso o 18%. Sinundan ito ng Region 7 o Central Visayas na may 10,034 kaso (10%) at National Capital Region (NCR) na nakapagtala ng 8,870 (9%).
Nabatid na mula Hulyo 3 hanggang Hulyo 30 lamang ay nakapagtala sila ng kabuuang 23,414 kaso ng dengue sa bansa.
Sa naturang bilang, ang Central Luzon pa rin ang nangunguna sa listahan ng pinakamaraming kaso ng dengue na nasa 5,838 o 25%, kasunod ang NCR na may 2,689 (11%) at Calabarzon na nakapagtala ng 2,369 (10%).
Napag-alaman din na siyam mula sa 17 rehiyon sa bansa ang lumampas na sa epidemic threshold para sa dengue nitong nakalipas na apat na linggo.
Kasama sa mga naturang rehiyon ang Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Cordillera Administrative Region (CAR), at NCR.
Habang ang Mimaropa at Western Visayas ay nakitaan ng ‘sustained increasing trend’ ng dengue sa nasabing petsa rin. (Juliet de Loza-Cudia)
The post Sapol ng dengue pumalo na sa 131% first appeared on Abante Tonite.
0 Comments