Tsuper ayuda ibubuhos na – NEDA

Bibilisan ng pamahalaan ang pamamahagi ng second tranche ng ayuda para sa mga public utility jeepney driver at operator, sabi ng National Economic and Development Authority (NEDA) kahapon.

Sa isang pahayag, pinaliwanag ng NEDA na gagawin ito dahil mahal pa rin ang presyo ng krudo at ang inflation rate ng transportasyon ang isa sa mga panguna­hing nagtulak ng inflation sa four-year high nito na 6.4% nitong Hulyo.

Ayon kay NEDA Secretary Arsenio M. Balisacan, layunin nilang siguruhing may sapat at masustansiyang pagkain sa mesa ang bawat Pilipino at prayoridad nila na maibsan ang pahirap dala ng nagmamahal na presyo ng mga bilihin.

Sabi ng NEDA, bibilisan din ang ayuda para sa mga tricycle driver sa ilalim ng Libreng Sakay Program ng Department of Transportation at Office of the Vice President at ipapagpatuloy din ang Libreng Sakay para sa mga estudyante sa MRT-3, LRT-2, at PNR sa ilalim ng Office of the President.

Paliwanag pa ng NEDA na mahigit 158,000 na mga magsasaka’t mangingisda din na makakatanggap ng tig-P3,000 na fuel discount para maibsan ang epekto ng mahal na gasolina at krudo.

Nakagawa na rin ayon sa NEDA ng account para sa 109,073 na benepisyaryo nito at at nai-load na ang fuel discount sa 65,837 na nagkakaha­lagang P207.4 milyon sa kabuuan. (Eileen Mencias)

The post Tsuper ayuda ibubuhos na – NEDA first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments