Holdaper na lolo niyabangan mga pulis, timbog

Dinampot ng mga awtoridad ang isang senior citizen na sinasabing astig sa Tondo matapos iturong nangholdap sa isang gasolinahan sa Quezon City, kamakailan.

Ang suspek ay si Carlos Dulay Penetrante, 64, may-asawa, painter at taga-Bambang Tondo, Manila.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU-QCPD), alas-kuwatro ng madaling araw nang maaresto ang suspek sa F. Tubera St., Brgy. 254, Tondo.

Sa imbestigasyon ni PCpl Lorenz Mappala, nagsagawa ng follow-up operation ang CIDU sa pangunguna ni PLt. Randy M Gandingco, kasama ang biktima at informant laban sa suspek na sangkot sa robbery hold-up sa Unioil gas station sa D. Tuazon, Brgy. Maharlika, QC, ala-1:15 ng madaling araw noong September 12.

Matapos makipag-coordinate ang QCPD sa Manila Police District ay saktong nasalubong nila ang suspek na naglalakad at pinagsabihan umano ang mga awtoridad ng…“SINO KAYO! MGA TAGA SAAN KAYO! LAHAT NG DAYO DITO DUMADAAN MUNA SAKIN!”.

Nang magpakilalang pulis sina PSSg Genaro Diego Jr. at Pat Mc Louie Partosa ay napansin nilang biglang nilagay ng suspek ang kamay sa kanyang baywang at nang makitang may baril ito ay agad nang dinakma.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang .38 cal revolver na may apat na bala pero walang serial number at isang fired cartridge case. (Dolly B. Cabreza)

The post Holdaper na lolo niyabangan mga pulis, timbog first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments