‘Oplan Katok, Lamok Tepok’, inilunsad ng DOH sa Tanza

Isinailalim sa state of calamity ang Tanza sa lalawigan ng Cavite kasunod ng dengue outbreak sa bayan.

Sa latest monitoring ng Rural Health Unit, umabot na sa mahigit 300 ang dengue cases. Mas mataas ito nang higit 200% sa naitala noong isang taon sa kapareho ring panahon na pumalo lang sa lagpas 100.

Sa tulong ng Department of Health – Region 4A, inilunsad ng Tanza LGU ang ‘Oplan Katok, Lamok Tepok.’

Layunin nitong magbigay-kaalaman sa bawat mamamayan kaugnay sa mga dapat gawing aksyon laban sa dengue.

Bilang tulong sa lokal na pamahalaan, namahagi ng dengue supplies ang DOH. Bukod pa ito sa installation ng insecticide-treated screens sa Julugan Elementary School kung saan inilunsad ang programa.

Ayon kay DOH Region 4A Director Ariel Valencia, ‘Good for 5 years ang screen. Kaya natin nilalagay sa eskwelahan dahil mas matagal nagtitigil ang mga bata rito. Gusto natin na ang pag-aaralan nilang lugar ay ligtas laban sa lamok.’

Kasama sa aktibidad ang mga lokal na opisyal sa bayan ng Tanza sa pangunguna ni Mayor Yuri A. Pacumio at Municipal Health Officer Dr. Ruth Punzalan.

Kooperasyon naman ang hiling ni Mayor Pacumio mula sa mga residente. (Julius M. Segovia)

The post ‘Oplan Katok, Lamok Tepok’, inilunsad ng DOH sa Tanza first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments