Rider, angkas sinalpok ng ambulansya

Malubhang nasugatan ang rider at backrider nito nang masalpok ng ambulansiya ng Barangay Bagbag, Novaliches, Quezon City, Miyerkules ng madaling araw.

Sa report ng Quezon City Police District Traffic Sector 2, alas-3:20 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa Quirino Highway sa harap ng Novaliches District Hospital sa Brgy. San Bartolome, QC.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Caleb De La Torre Cuaresma, 33, call center agent, driver ng Yamaha Mio, at backrider na si Adrian Baldos Lladoz, 27, cook, kapwa taga-Brgy. Bagbag, Novaliches.

Ang driver naman ng ambulansiya ay si Patrick Forsuelo Borromeo, 21, binata, ng Brgy. Bagbag.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg Romeo V Manzon Jr., ng Traffic Sector 2, sakay ng motorsiklo at binabaybay ng mga biktima ang Quirino Highway galing Holycross patungong Mindanao Avenue nang pagsapit sa tapat ng Novaliches District Center ay nasalpok ang motor ng mga biktima ng Nissan Urvan na ambulansiya umano ng Barangay Bagbag.

Nabatid na wala naman umanong sakay na pasyente o pupuntahang pasyente ang nakabanggang ambulansiya ng barangay, at sadyang mabilis lang umano ang pagmamaneho ng driver nito.

Sa lakas ng impact, tumilapon ang tandem na kapwa nagtamo ng mga pilay at sugat sa katawan, habang wasak ang motorsiklo.

Kapwa isinugod sa Novaliches District Hospital ang mga biktima habang binitbit naman ng mga awtoridad ang driver ng ambulansiya. (Dolly B. Cabreza)

The post Rider, angkas sinalpok ng ambulansya first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments