Balik illegal quarrying sa Albay binabala ng obispo

Nagpahayag ng pangamba ang ilang mga pinuno ng Simbahang Katoliko sa Albay na maaaring magbalik ang malawakang ilegal na quarrying sa kanilang lalawigan kasunod ng pagkakadiskuwalipika ng Commission on Elections (COMELEC) First Division kay Gobernador Noel Rosal.

Ginawa ng mga lider ng simbahan ang pahayag matapos maglabas ng resolusyon ang COMELEC na nagdidiskuwalipika kay Rosal kasunod ng paratang na nilabag nito ang ban sa pamamahagi ng perang ayuda ilang linggo bago ang eleksyon ng Mayo 2022. Tinalo ni Rosal si dating Albay Governor Al Francis Bicharra sa lamang na mahigit 200,000 boto.

Ayon kay Legazpi Bishop Joel Baylon, nababahala sila dahil ang pagkakadiskuwalipika kay Rosal ay nangyari kasunod ng mga hakbang ng bagong gobernador para patigilin ang ilegal na quarrying sa kanilang lalawigan.

Sinabi noon ni Rosal na bukod sa maaaring epekto nito sa kalikasan, kapaligiran at kaligtasan ng mga taga-Albay, marami din umanong quarry operators ang humahakot ng buhangin at bato mula sa mga ilog ng Albay na lampas sa itinakdang dami. Marami rin umano sa mga ito ang nag-o-operate nang walang kaukulang environmental compliance certificates at clearances mula sa Department of Public works and Highways.

Matagal na ring tinutuligsa ng mga lider ng Simbahan sa pangunguna ni Bishop Baylon ang mga naturang pagku-quarry.
Sa isang malaking rally sa Legazpi City para sa pagsuporta kay Rosal, nanawagan si Baylon sa COMELEC na “kilalanin at igalang ang tinig ng mga mamamayan. Kasalukuyan nang nirerepaso ng COMELEC First Division ang desisyon nitong pagdiskuwalipika kay Rosal.

The post Balik illegal quarrying sa Albay binabala ng obispo first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments