DMW inalarma sa puwersahang abortion ng mga OFW

Nagbabala si Senador Risa Hontiveros sa Department of Migrant Workers (DMW) ukol sa mga napapaulat diumano na puwersahang abortion ng mga buntis na overseas Filipino worker.

Inungkat ito ng senador sa pagdinig ng Senado kahapon, Oktubre 5, kaugnay sa panukalang pondo ng ahensiya para sa susunod na taon kung saan nabanggit na tumaas diumano ang bilang ng mga babaeng OFW sa mga “gender-based occupations and sectors” tulad ng domestic work, entertainment, garments industry, at electronic assembly.

“Gaya nga ng nabanggit ko kanina, marami po kaming natatanggap na report at hindi ito Maritess lang from our OFWs tungkol partikular sa mga buntis at mga forced abortion ng kanilang mga agency kapag ito ay nalaman. I would like to know, how equipped are our shelters abroad in caring for pregnant OFWs in situations of distress? Halimbawa, mayroon po ba tayong mga prenatal checkups at iba pang prenatal care para sa kanila?” tanong ni Hontiveros.

Tugon sa kanya ni DMW Undersecretary for Welfare and Foreign Employment Hans Leo Cacdac na mayroong pre-employment medical exam sa mga buntis na OFW.

“Mayroon talagang special attention given to `yung status ng isang umaalis na female OFW lalo na whether or not she is pregnant. Mayroong mga pregnancy test to determine kung ano `yung status n’ya and to give the corresponding care. Kung siya nga ay nagdadalantao. Pangalawa po on site, kung mayroong prenatal, or special attention to be given to an OFW who is pregnant, yes po, the short answer is ang shelters natin ay equipped `yun pong mga tinatawag na house parents natin are female and have gone through a gender sensitive training,” sabi ni Cacdac.

Tinanong naman ni Hontiveros kung maaaring habulin at panagutin ang recruitment agency o employer kapag puwersahang pinalaglag ang ipinagbubuntis ng isang babaeng OFW.

“Mayroon po ba tayong protective care para ma-preserve n’ya `yung pregnancy or kung natuloy na `yung forced abortion, magkaroon na siya ng forced abortion scare at kung gusto n’yang habulin ang hustisya laban sa kanyang recruitment agency or employer ay masuportahan po siya doon?” tanong pa ni Hontiveros.

Tiniya naman ni Cacdac na magagawa ito at nilinaw pa na wala sa patakaran ng pamahalaan ang puwersahang abortion at kinokondena nila ang ganitong gawain.

“So, the short answer is yes po mayroon tayong tulong na ibinibigay sa mga OFW doon sa mga nalalagay sa sitwasyon ng forced abortion,” ani Cacdac.

Nilinaw naman ni Hontiveros na ang mga napag-alaman nilang kaso ay kagagawan aniya ng ilang abusadong recruiter o employer kung kaya’t hiniling ng senador na silipin ito ng DMW para mabigyan ng proteksyon ang mga OFW.

The post DMW inalarma sa puwersahang abortion ng mga OFW first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments