DepEd kapos budget sa mga pasilidad – VP Sara

Kasabay ng pagdiriwang ng World Teachers’ Day kahapon, Oktubre 5, inilahad ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte na hindi sapat ang pondo ng ahensiya para sa mga kinakailangang pasilidad sa pagtuturo ng mga guro.

Sinabi ito ni Duterte nang bumisita sa Abra sa pagdiriwang ng araw ng mga guro nitong Miyerkoles, Oktubre 5.

“Pinaintindi ko sa ating mga guro na halos taon-taon, hindi talaga sapat ang budget na ina-allot para sa infrastructure development pero naiintindihan din ng DepEd na maraming opisina ng gobyerno na nangangailangan din ng budget dahil meron din silang mandato,” ani Duterte.

Tiniyak naman niya sa mga guro na magiging patas sa lahat ang hatian ng pondo para sa mga kinakailangan na pasilidad ng mga paaralan.

Ibinunyag pa ni Duterte na karamihan ng mga kahilingan sa kanya ay para sa karagdagang pasilidad sa mga eskuwelahan upang mapabuti pa ang pagtuturo.

Subalit dahil kulang aniya ang pondo kung kaya’t sinusuring mabuti ng DepEd ang mga dapat na mabigyan ng prayoridad.

“So mayroon kaming checklist na ginawa, mayroon kaming point system na ginawa para sa infrastructure project, para naa-address ‘yung access, ‘yung equity, o ‘yung pag-distribute ng resources sa iba’t ibang local government units natin na nangangailangan,” ani Duterte.

Samantala, sinabi ni VP Sara na kaya nagpunta siya sa Abra upang doon ipagdiwang ang World Teachers’ Day upang palakasin ang loob ng mga guro sa mga lugar na tinamaan ng magnitude 7 na lindol noong Hulyo 27.

The post DepEd kapos budget sa mga pasilidad – VP Sara first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments