DFA binakbakan sa P700 taas-singil ng pasaporte

Umangal si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro sa mahigit P700 pagtaas sa presyo ng pagre-renew ng Philippine passport sa European Union (EU).

Sa pagdinig ng House Committee on Foreign Affairs ngayong Martes kaugnay ng panukalang New Philippine Passport Act, sinabi ni Castro na nakarating sa kanyang tanggapan ang reklamo ng mga Pilipino sa EU na nagre-renew ng kanilang pasaporte.

Mula umano sa €54 o P3,145 ay €66 (P3,843) ang sinisingil ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Sinabi ni Castro na sumabay ang mas mahal na bayad sa pag-renew ng pasaporte sa pagmahal ng bilihin.

“Parang double whammy ‘yung pagpapahirap natin doon sa ating mga kababayan,” sabi ni Castro.

Paliwanag naman ni Foreign Affairs Undersecretary Antonio Morales ang passport fee sa mga Philippine consular office sa ibang bansa ay nakabatay sa dolyar kaya kapag lumakas ang dolyar at tumataas ang presyo nito.

Sinabi ni DFA Secretary Enrique Manalo na ang pagbatay sa presyo ng dolyar ay hindi na bago.

Ang panukalang New Philippine Passport Act ay isa sa mga prayoridad na maaprubahan ng Kamara bago magsara ang sesyon ngayong taon. (Billy Begas)

The post DFA binakbakan sa P700 taas-singil ng pasaporte first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments