Umalma si Senador Ronald Bato Dela Rosa sa mga nagdadawit kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kaso ng pagpaslang sa brodkaster na si Percival Mabasa alyas Percy Lapid.
Sa panayam sa Senado tinanong si Senador Dela Rosa ng media kung mayroon pa ba sa likod ni dating Bureau of Correction Director Gerald Bantag sa pagpaslang kay Lapid.
Sagot ni Dela Rosa na alam niya na may mga nagpapakalat ng balita na si dating Pangulong Duterte umano ang nasa likod ni Bantag matapos na ituro ang dating Bucor chief ng gunman ni Lapid.
Iginiit pa ng mambabatas na bakit kailangan patayin ng dating pangulo si Lapid na hindi na siya presidente.
“Kung kasama siya sa 160 consider din siya pero bakit pa niya patayin, nag-retire ka na di ka na presidente bakit ‘di mo pinatay nu’ng ikaw pa presidente,” giit pa ni Bato.
“Ngayon pa na wala ka na sa poder saka ka pa mag-interes ng tao. Ano pa career na pinag-uusapan, motive is malayo, pabayaan natin nag-imbesetiga, mahirap marami nagmamarunong, marami nagkukunwari na may alam, gusto isaksak sa imbestigasyon hanggang daldal lang naman,” hirit pa ni Dela Rosa.
“Mag-conduct na lang ng imbestigasyon kung gusto niyo pero respetuhin niyo ang PNP at NBI investigation,” aniya pa.
Subalit kung wala na talaga, kawawa naman kung idadawit ang iba na wala namang kinalaman sa pagpaslang kay Lapid.
Samantala, hindi inaalis ng National Bureau of Investigation (NBI) na may ‘powerful mastermind’ pa ang nasa likod ng pagpaslang kay Percy.
Ayon kay NBI supervising agent Atty. Eugene Javierito ito ay bukod sa sinuspindeng si Bantag.
“We are not discounting that possibility na bukod pa kay Director General Bantag na merong puwede na ma-implicate sa kasong ito (that aside from Director General Bantag, there would be someone else who would be implicated in this case),” ayon kay Javier sa panayam sa telebisyon.
“Hindi namin sana gusto na titigil lang ito diyan kay Bantag. Kung may nalalabing 5%, sana’y patuloy pa rin saliksikin ito at malantad kung sino talaga ang mga taong nasa likod niyan,” dagdag pa ni Javier.
Una nang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na 95% nang sarado ang kaso pero patuloy pa rin nilang tinatrabaho ang nalalabing 5%. (Dindo Matining/Jojo Sicat/Juliet de Loza-Cudia)
The post ‘Wag isaksak si Digong sa Percy murder first appeared on Abante Tonite.
0 Comments