Iminungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian na bawasan ang mga subject sa ilalim ng K to 12 curriculum at tutukan ang mga asignatura sa reading at mathematics kung saan kulelat ang mga mag-aaral sa elementarya.
Ayon kay Gatchalian, chairperson ng Senate committee on basic education, mahalagang magpokus sa reading at mathematics dahil lumalabas sa mga pag-aaral na mahina ang mga elementary student sa dalawang nabanggit na asignatura.
Giit pa ng senador na kailangamg repasuhin ang K to 12 curriculum at pag-aralan ang pagbabawas ng mga asignaturang nakapaloob dito.
“Back to basics tayo. Turuan magbasa at magbilang. Magbawas din ng mga subject kasi nawawala sa focus ang mga estudyante sa dami ng mga subject,” sabi ni Gatchalian.
Batay sa Program for International Student Assessment na ginawa noong 2018 sa mga mag-aaral na 15 taong gulang mula sa 79 na bansa, pinakakulelat diumano ang Pilipinas sa reading at pangalawa naman sa kulelat pagdating sa mathematics.
Lumabas naman sa The Trends in International Mathematics and Science Study na ginawa noong 2019 na kulelat naman ang mga mag-aaral sa grade 5 ng Pilipinas sa reading at mathematics mula sa 58 bansa.
Ayon kay Gatchalian, dapat magpatuloy ang mga reporma sa educational system at tugunan ang mga ganitong problema para maging epektibo ang K to 12 program.
The post Gatchalian pinabawasan K to 12 curriculum first appeared on Abante Tonite.
0 Comments