LRT-Roosevelt bukas na sa publiko

Inanunsyo ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), na bukas na sa publiko ang Roosevelt Station ng LRT-1 sa Quezon City nitong Lunes, matapos isara nang mahigit dalawang taon.

Magugunitang pansamantalang isinara ang istasyon ng Roosevelt noong September 5, 2020 para sa pagtatayo ng gobyerno ng Common Station o Unified Grand Central Station na mag-uugnay sa LRT-1, MRT-3 at MRT-7 para sa mas mabilis na paglipat ng mga pasahero.

Kasabay nito ay pormal nang sinimulan ng pamunuan ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) ang pagpapatupad ng kanilang bagong train service schedule nitong Disyembre 5.

Sa abiso ng LRMC, kung weekdays, ang huling biyahe mula sa Baclaran Station sa Parañaque City ay aalis na ng alas-diyes ng gabi habang ang huling biyahe naman ng tren mula sa Roosevelt Station sa Quezon City ay aalis ng alas-10:15 ng gabi.

Tuwing weekends at holidays naman, ang huling tren galing Baclaran ay aalis ng alas-9:30 ng gabi at alas-9:45 naman ng gabi ang last trip mula sa Roosevelt station.

Paglilinaw ng LRMC, wala namang pagbabago sa unang biyahe ng northbound at southbound trips ng LRT-1, na magsisimula pa rin ganap na alas-4:30 ng madaling araw, maging weekdays man, weekends, o holidays. (Dolly Cabreza)

The post LRT-Roosevelt bukas na sa publiko first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments