Biyaheng Sagada

Noon ko pa plano mamasyal sa Sagada pero laging hindi natutuloy. Nitong Biyernes, nangyari na ang matagal ko nang inaasam. Sa wakas, bumiyahe ako kasama ang tatlo pang barkada pa-Sagada.

Unang beses ko lang ding sumama sa tinatawag nilang ‘Joiners’. Dahil apat lang kami, may walo pa kaming kasamang ibang biyahero na pareho naming, first time din sa Sagada.

Una kaming sinundo ng HS friends kong sina Carmie at Maybelle sa isang mall sa Bacoor. Ang kaibigan ko namang si David sa may Quezon Avenue sa QC dinaanan. Habang ang iba, sa Pasay at Mandaluyong naman.

Eksakto 10pm nang napuno ang van. Naka-ilang stopver din kami – wiwi at suka break. Hindi maiiwasang walang mahilo sa mga pasahero dahil ang biyahe, literal na paikut-ikot lalo na sa bahaging paakyat ng bundok.

Masasabi kong bihasa sa pagmamaneho ang aming driver. Kahit mala-bituka ng manok ang daan paakyat ng Sagada, kalkulado niya ang bawat ikot at maniobra ng sasakyan. ‘Yun nga lang, frustrating na parang walang alam at pakialam ang na-assign sa aming travel coordinator. May punto pang ginising kaming lahat para singilin ang remaining balance na dapat ginawa na bago pa umalis ang van.

Mahigit 12 hours ang binuno namin bago narating ang Sagada. First stop, Isangwow Café by the Clouds. Dumaan din kami sa Sagada Weaving bago nag-lunch sa Sagada Food Hub. Walang fast food chains at convenience stores sa lugar. Puro locals ang nagtitinda. May kamahalan pero okay na rin pantulong sa kanilang kabuhayan.

Expected ko namang maraming lakaran sa Sagada. Pero di ko inasahang bababa pala kami ng kuweba – Sumaging Cave. Physically tiring ito dahil kailangan mong bumaba sa kuweba na medyo matalas at madulas ang mga batong lalakaran. Mabuti na lang, hindi kami pinabayaan ng dalawa naming tour guides na kapwa locals din doon – sina Kuya Darren at Kuya Joseph.

Akala ko doon na nagtatapos ang nakakapagod na adventure. Papunta pa lang pala kami sa exciting part – Marlboro Hills! 4am the next day, medyo may drizzle pa ng umagang ‘yon – super lamig. Ang temperature, bumaba nang halos 12 degrees Celsius. Armado naman ako ng pangginaw. ‘Yun nga lang, naka-sandals ako kaya ramdam pa rin ang lamig ng panahon.

Inakyat namin ang Marlboro Hills para abangan ang sun rise. Unfortunately, hindi nagpakita ang Haring Araw. Medyo makulimlim kasi nung panahon na ‘yon. Gayunman, it’s all worth it! Ibang klase ang ganda ng view sa tutkok. Mapapa-wow ka talaga sa God’s creations!

Nakakangawit sa binti ang akyat-baba sa bundok. Isama pa ang maputik na daan. Talagang extra challenge sa gaya kong hindi naman sanay sa physical activities. Pero thank God, we survived! May mangilan-ngilan lang na pagkadapa at pag-slide ang ilang kasama na idinaan na lang namin sa tawa para lalong sumaya ang adventure.

Ang budget per head – P2,800 sa travel and tours kasama na ang accommodation (2 days and 1 night) at P1,500 sa mga activities sa Sagada. Hindi pa kasama d’yan ang food. Siguro mag-prepare ka ng at least P7,000 per head para sure na ma-enjoy mo ang Sagada trip.

More than the trip, it is really the experience. We met new friends – ‘yung mga couples na kasama namin sa biyahe! Sana ma-invite kami sa kasal n’yo. Paminsan-minsan kailangan din nating gumala, hindi lang para sumaya – kundi para makipagkilala at makipagkapwa-tao.

The post Biyaheng Sagada first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments