BOC hindi pa ba tinatablan sa pagkadismaya ni PBBM vs smuggling?

Dismayado na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa pamamayagpag ng smuggling sa bansa.

Kaya nga hindi na ito nahiyang magpasaklolo sa pribadong sektor particular sa Private Sector Advisory Council (PSAC) para malabanan ang smuggling.

Sabi nga ng Pangulo kahit anong pagsusumikap ng gobyerno na masugpo ang smuggling ay patuloy pa rin ang pagpupuslit ng mga produkto.

Hindi na rin aniya gumagana ang mga sistemang ipinatutupad para sugpuin ang talamak na smuggling kaya kailangan nang maghanap ng bagong solusyon.

Sabi ni PCO Secretary Cheloy Garafil gusto ni Marcos na magkaroon ng reporma sa pamamagitan ng pagsasaayos sa ahensiya o pagbuo ng panibagong ahensiya sa ilalim ng Bureau of Customs at Department of Agriculture base sa rekomendasyon ng private sector.

Sa paraang ito naniniwala si PBBM na magiging mas madali ang transaksiyon, mura at maayos pa.

Sa ganang akin, kahit anong bagong polisiya ang ipatupad kung ang mga tagapagpatupad ay palpak, hindi ito magiging epektibo.

Parang pagpasa lang ng batas ‘yan sa Kongreso kahit anong dami ng batas at anong higpit ay walang silbi kapag ang mga kasalukuyang namumuno ay sila-sila pa rin.

Katulad na lamang ng Bureau of Customs, ilang buwan na sa posisyon si Commissioner Yogi Filemon Ruiz pero wala pa itong impresibong accomplishment at ang matindi ay patuloy sa pamamayagpag ang smuggling sa bansa.

Oo nga’t maraming nahaharang ang BOC pero hindi ito batayan para sabihing tagumpay ito sa kampanya laban sa smuggling dahil mismong ang Pangulo na ang nagpahayag ng pagkadismaya.

Ano ba pinagkakaabalahan ng BOC at hindi maawat-awat ang smuggling sa bansa?

Baka naman ang mga dating namumuno sa iba’t ibang departamento diyan noong mga panahong talamak ang smuggling ay nariyan pa rin kaya’t walang magawa ang liderato ng BOC.

Aba-aba kilos na Commissioner Ruiz, huwag n’yo ilagay sa kahihiyan ang Pangulo at patunayan ang tiwalang ibinigay nya sa inyo!

Dahil kung wala kang kakayahang sugpuin ang smuggling sa bansa, mas mabuting magbalot-balot na para maibigay ng Pangulo ang puwesto sa mas karapat-dapat na pinuno!

The post BOC hindi pa ba tinatablan sa pagkadismaya ni PBBM vs smuggling? first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments