Hepe, 2 pang pulis nasapol sa ratratan

Sugatan ang tatlong pulis, kabilang ang isang hepe habang napatay naman ang isang local terrorist group na Dawlah Islamiya (DI) sa naganap na engkwentro Huwebes ng hapon, ayon sa naantalang ulat kahapon.

Nagpapagaling ngayon sa Amai Pakpak Medical Center sa Marawi City ang pulis na sina Police Major Bobby Egera, hepe ng Marantao Municipal Police Station (MPS) at mga tauhang sina Corporal Mujahid Taurac at Corporal Al-sadat Jahari.

Ang tatlo ay nabaril sa engkwentro laban sa grupo ni Abbas Dimmang Rampa, miyembro ng DI at number 2 most wanted person ng nasabing bayan, na napatay sa engkwentro. Naaresto ang dalawa nitong tauhan na sina Ansaruna Mulingan Magi at Johari Taban Barani.

Sa ulat, alas-2:30 ng hapon nitong Huwebes nang magsagawa ng operasyon ang grupo ni Egera sa barangay Nataron laban kay Rampa, bitbit ang warrant of arrest sa kasong murder at paglabag sa Firearms and Ammunition Regulation Acts (Republic Act 10591). Nanlaban ang grupo ni Rampa kaya nagkabarilan.

Bagamat sugatan ang mga pulis ay nakipaglaban pa sa mga terorista hanggang sa mapatay si Rampa at maaresto ang dalawa nitong kasamahan.

Nakuha sa mga suspek ang isang M16 armalite riffle, mga granada at 18 sachet ng pinaniniwalaang shabu.

Nitong Biyernes ay dinalaw ni Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region Director Brig. Gen. John Guyguyon ang mga sugatang pulis sa ospital at ginawaran ng “Medalya ng Sugatang Magiting.” (Edwin Balasa)

The post Hepe, 2 pang pulis nasapol sa ratratan first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments