Altai mining operation sa Romblon, pinalagan

Nagbarikada nitong Sabado, Enero 28, ang mga residente ng San Fernando, Romblon para harangin ang naglalakihang mga trak ng Altai Philippines Mining Corporation na naghahakot ng mga lupa na ilalabas ng Sibuyan Island.

Ginawang barikada ng mga residente ang kanilang mga sasakyan sa harap ng itinatayong pantalan ng Altai sa Sitio Bato España sa bayan ng San Fernando.

Ito’y para harangin ang mga naglalakihang truck ng Altai na may kargang mga lupa na dadalhin sa isang barge na magdadala naman patungong China.

Nagtungo na sa lugar ang mga tauhan ng San Fernando Municipal Police Station upang masigurong hindi mauuwi sa gulo ang iringan ng mga residente at ng mining company.

Kinontra ng mga residente ang umano’y ilegal na operasyon ng Altai dahil sa kawalan ng kinakailangang permit at mga kaukulang dokumento para sa kanilang mining operation.

Mahigit tatlong araw nang nananatili ang mga residente sa labas ng pantalan para bantayan ang galaw ng mining company sa lugar lalo pa umano’t ipinatigil ng lokal na pamahalaan ang pagtatayo ng pantalan dahil sa kawalan ng papeles.

Ayon kay Elizabeth Ibañez, coordinator ng Sibuyanons Against Mining at miyembro ng Council of Leader ng Alyansa Tigil Mina, dapat imbestigahan ang Altai sa ilegal na aktibidad nito sa kanilang bayan.

Kinalampag niya ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para ipatigil ang mining operations ng Altai.

Napag-alaman na ang ginawang paghahakot ng Altai ay bahagi ng inaprubahan sa kanila ng DENR na 50,000 tonelada ng nickel ore na puwedeng ilabas sa isla para ma-test ng mga buyer mula sa ibang bansa.

The post Altai mining operation sa Romblon, pinalagan first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments