Mga drug syndicate mas tumapang vs pulis – Bato dela Rosa

Pinayuhan ni Senador Ronald `Bato’ Dela Rosa ang mga dating kasamahan sa Philippine National Police (PNP) na maging alerto at lumakad na armado bilang proteksyon sa kanilang sarili mula sa galamay ng mga drug syndicate.

Ayon kay Dela Rosa, masyadong matatapang na ngayon ang mga sindikato kung kaya’t kailangan ang ibayong pag-iingat at sapat na kahandaan ng kapulisan.

Ginawang halimbawa ng senador ang nangyaring insidente sa Batangas at Pampanga kung saan pinatay aniya ang dalawang pulis na galing sa kanilang operasyon.

“Ganun na sila ka-bold ngayon, napansin n’yo ang mga pulis sa Batangas, meron din sa Pampanga pauwi na sila ang tapang nung drug syndicate, patay ang dalawang pulis na galing ng operations, ganun na sila katapang,” ani Dela Rosa.

Kung kaya’t kinakailangan aniya na doble ingat ang kapulisan at dapat nakahanda lagi ang kanilang baril.

“Ang masabi ko lang talaga sa kapulisan doble ingat. Kailangan ready kayo palagi lock and loaded kayo kapag kayo ay lumakad,” ayon sa senador. (Eralyn Prado)

The post Mga drug syndicate mas tumapang vs pulis – Bato dela Rosa first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments