Isa sa nakikitang dahilan ni Senador Raffy Tulfo kung bakit paulit-ulit na nangyayari ang sinapit ng mga overseas Filipino worker (OFW) na katulad kay Jullebee Ranara ay dahil sa kakulangan sa pagmo-monitor ng mga recruitment agency.
Isang OFW sa Kuwait si Ranara na pinatay at sinunog pa ang bangkay matapos na gahasain at mabuntis ng anak ng kanyang amo.
“`Pag na-deploy OFW sa lugar, pinapabayaan na sila kasi nabayaran na sila. Tapos na. Pinapabayaan na po ng agency. Dapat may constant monitoring on a regular basis, tinitingnan kalagayan ng ating OFWs,” ayon sa senador.
Mahalaga rin aniya na nasusunod ang nakasaad sa kontrata ng mga OFW. Madalas kasi, sabi ni Tulfo, lalo na sa Middle East ay hindi nasusunod ang napagkasunduan sa bilang ng aalagaang bata, laki ng bahay na lilinisin at oras ng pagtatrabaho.
“Kaya titingnan ko kay Jullebee kung nasunod ang kontrata. `Pag hindi nakasunod, tatamaan ng lintik ang agency,” babala ni Tulfo.
Isa si Tulfo sa mga sumalubong sa pagdating ng labi ni Ranada nitong Biyernes ng gabi mula sa Kuwait.
Samantala, naglabas ng suspension order ang Department of Migrant Workers (DMW) laban sa employer ni Ranara sa Kuwait.
Ayon kay DMW Undersecretary Bernard Olalia, nangangahulugan ito na kailanman ay hindi na maaaring mag-hire ng OFW ang Kuwaiti employer ni Ranara.
Sinabi pa ni Olalia na hindi rin malayong mauwi ito sa tuluyang pag-blacklist sa employer. (Gel Manalo/Betchai Julian)
The post Recruitment agency ni Jullebee yari kay Tulfo first appeared on Abante Tonite.
0 Comments