Inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isang resolusyon para sa hirit na P2 taas-pasahe sa Light Rail Transit (LRT) pero hindi nangangahulugan na ipatutupad na agad ito.
Ayon sa paliwanag ni Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Hernando Cabrera, wala pang mangyayaring dagdag sa pasahe sa kabila ng pag-apruba ng LTFRB sa resolusyon para taasan ng higit P2 at karagdagang 21 sentimo sa kada susunod na kilometro.
Aniya, siyam ang miyembro ng board na dapat na mag-apruba sa nasabing petisyon at isa lang dito ang LTFRB.
Wala pa aniya silang pinal na desisyon at maging si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista ukol sa taas-pasahe ng LRT.
Muling iginiit ni Cabrera na patuloy nilang susubukan at gagawan ng paraan upang mapigilan ang taas-pasahe dahil alam nila na marami pa ring pinagdaraanang hirap ang mga komyuter dulot ng pandemya.
Dagdag pa ng opisyal na kung magkaroon man ng taas-pasahe ay sisiguruhin nilang magiging makatuwiran ito.
Nabatid na sa petisyon, P2.29 ang hinirit na dagdag pasahe at 21 para sa kada susunod na kilometro.
Ayon naman kay LTFRB chairman Teofilo Guadiz III, sang-ayon sila sa P2 taas-pasahe sa LRT ngunit manggagaling pa rin sa DOTr chief ang pinal na go signal para ipatupad ito. (Dolly Cabreza)
The post P2 dagdag-pasahe sa LRT inaprub ng LTFRB first appeared on Abante Tonite.
0 Comments