Mga OFW dapat ipagmalaki

Usap-usapan ang pinakahuling content ng vlog ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung saan ang mga bida ay ang mga kababayan nating mga overseas Filipino workers na nakikipagsapalaran sa ibayong dagat para tugunan ang pangangailangan ng pamilya habang ang iba naman ay sadyang gustong subukan ang buhay sa ibang bansa.

Nakakatuwang malaman na maging si PBBM ay nakatutok sa kalagayan mapa-tagumpay man ‘yan o problema ng mga kababayan nating OFW.

Nasorpresa rin ang inyong lingkod sa magagandang kapalaran ng mga kababayan nating OFW sa ilang bahagi ng mundo.
Nakaka-proud lang malaman na marami pala tayong kababayang dapat ipagmalaki dahil matagumpay sa iba’t ibang larangan sa abroad.

Kabilang nga sa tinukoy ng Pangulo ay ang anak ng isang OFW na naka-base sa Switzerland na si Ivan Mendoza na finalist ng The Voice France.

Nariyan din daw ang isang Ilokana mula sa La Union na si Thelma Nullar na nagtagumpay sa Belgium matapos makapagtayo ng sariling housekeeping services at restaurant.

Tagumpay rin ang tubong Isabela na dating nurse na si Erlita Terte pero pagdating sa Switzerland ay lumipat sa paggawa ng alak.

Alam kong maliban sa nabanggit na OFW ay marami pa tayong mga kababayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nagtatagumpay sa kani-kanilang pinasok na propesyon na dapat ding ipagmalaki.

Kaya sana naman ay makalika ng batas ang Kongreso na magbibigay proteksiyon sa ating mga OFW. Marami kasing sinisingil sa kanila ang gobyerno kagaya ng PhilHealth pero alam naman nating bihira nila itong magamit dahil nasa ibang bansa sila kadalasan kaya hindi tamang pagbayarin pa sila para makumpleto ang mga hinihinging rekisitos bago makapagtrabaho abroad.

Imbes na kolektahan ng bayad sa PhilHealth ay bakit hindi ilibre ang mga nagretirong OFW sa PhilHealth para naman kahit wala na silang trabaho ay may access pa rin sila sa PhilHealth.

Sa ganitong paraan ay matatapatan ng pamahalaan ang sakripisyo at karangalang hatid sa ating bansa ng mga kababayan nating OFW.

The post Mga OFW dapat ipagmalaki first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments