Mga tsuper kinonsensiya sa tigil-pasada

Umapela si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista sa transport groups na magkaroon ng dayalogo bago ilarga ang planong isang linggong tigil-pasada kaugnay sa tinututulang Public Utility Vehicle Modernization Program.

Ang panawagan ay ginawa ni Bautista habang kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Cebu City nitong Lunes.

Sinabi ni Bautista na mas mainam na mag-usap usap muna sa pagitan ng transport operators at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at alamin ang posisyon ng bawat panig.

“Dapat pag-isipan nating mabuti yung pag-stop ng operations. Let’s understand what the issues are kasi baka hindi tayo nagkakaintindihan,” ani Bautista.

Ang isang linggong tigil-pasada ay itinakda ng iba’t ibang transport groups sa March 6, 2023.

Binigyang-diin ni Bautista na hindi nagkaroon ng kinatawan ang DOTr sa pulong kaya hindi nalinawan sa isyu ang mga nagbabalak ng tigil-pasada. “I have already instructed the Undersecretary for Road Sector to coordinate with the LTFRB and with the operators,” dagdag nito.

Binigyang-diin ng kalihim na walang gagawing phase out sa mga lumang PUVs sa mga grupong hindi pa makabili ng bagong units ng sasakyan.

Bibigyan aniya ng sapat na panahon ang transport groups na magkaroon ng ponding pambili ng bagong units sa ilalim ng modernization program ng gobyerno. (Aileen Taliping)

The post Mga tsuper kinonsensiya sa tigil-pasada first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments