Limang kabataan ang nasawi habang sugatan ang isa nilang kasamahan nang tamaan ng kidlat matapos na sumilong sa kubo na nasa tuktok ng burol sa Camp Madigger, Barangay Binaton, Digos City, dahil sa pabuhos ng ulan, noong hapon ng Easter Sunday.
Kinumpirma ni Samuel Miralles, executive officer ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) na tatlong babae at dalawang lalaki ang nasawi at isa lamang ang nakaligtas sa insidente.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jeramae Cartagena, 16; John Gabrielle Hersalia, 16; Glendell Joy Villocino, 17, pawang residente ng Brgy, Soong, Digos City; Jonnel Felix Galicia, 19, at Valerie Padillo Asotilla, 23, kapwa nakatira sa Brgy. Kiagot, at graduating student ng University of Mindanao Digos College (UMDC) na kumukuha ng Bachelor of Science in Education (BSED) major in Mathematics.
Bahagyang nasugatan naman si Clarence Cate Chatto, 21, residente ng Brgy. Sinawilan, Digos City, ngunit nasa ligtas na kalagayan habang nilalapatan ng lunas sa Davao del Sur Provincial Hospital sa Digos City.
Ayon sa mga ulat, nagsasaya ang mga biktima sa magandang tanawin mula sa tuktok ng bundok ng Camp Madigger noong Linggo ng Pagkabuhay (Abril 9) nang biglang bumuhos ang malakas na ulan sa lugar na nag-udyok sa kanila na sumilong sa nag-iisang kubo upang hintayin ang paghupa ng bagyo.
Pero biglang kumidlat at sa kasamaang palad ay tinamaan ang kubo kung saan nakasilong ang mga biktima.
Agad namang nagresponde ang mga miyembro ng Kabalikat Radio Group, ang rescue unit ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Bureau of Fire Protection, Philippine Army, at mga functionaries at opisyal ng barangay at nagtulungan upang dalhin pababa ang mga biktima.
Natapos ang rescue operation bandang alas-10 ng gabi noong Linggo. (Dolly Cabreza)
The post 5 bagets natusta sa kidlat first appeared on Abante Tonite.
0 Comments