Bagets ginapos saka tinodas

Dahil sa masansang na amoy, nakita ang naaagnas nang bangkay ng isang lalaki na nakagapos sa kahoy at palutang-lutang sa ilog sa San Ildefonso, Ilocos Sur, kamakalawa.

Kinilala ng San Ildefonso Police Station ang biktima na si Jonathan Rapin, 18, isang caretaker, ng Brgy. Gongogong, ng nasabing bayan.

Ayon sa report ng pulisya, nakaamoy ng masangsang na amoy ang ilang residente malapit sa ilog at nang kanilang usisain ay tumambad sa kanila ang naaagnas na katawan ng biktima na nakagapos sa kahoy.

Sinabi ng otoridad na posibleng biktima ng summary execution ang binatilyo at hinihinalang kagagawan ito ng higit sa dalawang katao dahil sa paraan ng pagtali at pagbuhat sa bangkay.

Hinala ng pulisya na posibleng halos dalawang araw nang palutang-lutang ang bangkay ng biktima dahil nagsisimula na umano itong maagnas.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo ng pamamaslang upang matukoy ang mga nasa likod ng krimen. (Allan Bergonia)

The post Bagets ginapos saka tinodas first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments