Malaki ang pananagutan ng sinibak na Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PDEG) chief na si Brigadier General Narciso Domingo sa nabistong cover-up umano kaugnay ng isinagawang anti-illegal drugs operation sa Maynila noong Oktubre 2022 kung saan nasa P6.7 bilyong shabu ang nasamsam.
Nakapaloob ito sa report ng Special Investigation Task Group (SITG) 990 na binasa ni PNP Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) Major General Eliseo Cruz sa isinagawang press conference nitong Linggo kung saan idinetalye ang mga naganap sa sinasabing shabu cover-up.
Inirekomendang kasuhan si General Domingo at 48 iba pang opisyal at operatiba ng PDEG Special Operations Unit 4A at Intelligence and Foreign Liaison Division (IFLD).
Kabilang sa mga kasong inirekomenda ng SITG 990 ay paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Revised Penal Code, grave misconduct, grave neglect of duty, grave dishonesty, incompetence to perform duties of a police officer, breach of police operation procedure in a drug bust.
Sinabi pa ni Cruz na si Domingo, na nakatalaga ngayon sa Office of the Chief PNP ay nahaharap sa mas mabigat na kaso dahil sa command responsibility.
Ayon kay Cruz, si Domingo at apat pang opisyal ay nagkasala umano dahil sa “incompetence to perform duties of a police officer especially as a PCO or Police Commissioned officer.”
“The higher the responsibility, the higher the rank, the higher the accountability. You are the commander, you should know what is happening with your men. I believe that mas mataas ang kanyang haharapin na kaso sa administratibo na kinakaharap nila ngayon,” wika ni Cruz.
Tinukoy ni Cruz si Captain Jonathan Sosongo, ang hepe ng PDEG Special Operations Unit 4A, na siyang nagkukumpas umano sa `crime scene’
Base umano sa nakuha nilang CCTV, may mga kontrabando na isinakay sa mga kotse at motorsiklo mula sa lugar kung saan nasamsam ang mga ito.
“It’s Captain Sosongco ang makikita natin sa CCTV footage na nagkukumpas. Very obvious na under his watch, these illegal activities were happening,” ani Cruz.
Samantala, pinalimitahan din ang aktibidad ng mga tauhan at opisyal ng PDEG na sangkot sa shabu raid kung saan ay pinalagay muna sila sa mga administrative function.
Nirekomenda rin na salain mabuti ng PNP Investigation Group (IG) at Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ang mga magiging tauhan ng PDEG, magsagawa ng financial investigation at lifestyle check sa mga PDEG personnel kada anim na buwan.
Tiniyak naman ng PNP general na hindi pa tapos ang kanilang imbestigasyon at katunayan aniya nakapaloob sa kanilang report na magsagawa pa ng case build-up ang Criminal Investigation and Detection Group upang lalong tumibay ang mga isasampang kaso at hanapin ang mga nawawala pang droga. (Catherine Reyes)
The post General Domingo dinikdik sa shabu cover-up first appeared on Abante Tonite.
0 Comments