Sa episode ng ‘CIA with BA’ nitong Linggo, hinarap na naman ng magkapatid na Senador Alan Peter at Pia Cayetano kasama ni King of Talk Boy Abunda ang panibagong mga reklamo tungkol sa utang.
Isa dito ang reklamo ng babae sa kanyang kinakasama. Aniya’y paulit-ulit siyang inaabuso at sinisingil pa rin sya sa mga nagastos nito nung sila ay nagsasama pa.
May tatlong lalaki naman na humingi ng legal na payo mula kina Kuya Alan at Ate Pia matapos tumalbog ang tseke na ibinayad sa kanila ng isang business process outsourcing (BPO) company na ginamit ang kanilang serbisyo.
“Bawal kasi sa konstitusyon natin na magpakulong dahil sa utang pero [may] nakukulong dahil sa tumalbog na tseke,” pagpapaalala ni Alan habang nililinaw ni Abunda para sa mga manonood kung talagang may nakukulong ba sa utang.
Inamin ng magkapatid na senador na kailangang pag-isipang mabuti ang issue ng utang at kung anong mga batas ang kailangang gawin lalo na’t napakabilis ng pag-abante ng teknolohiya.
“Malay mo, magkaroon din ng digital na tseke. Kasi ngayon ‘yung mga digital payment [ay] either bayaran ka o hindi. Walang post-dated doon,” wika ni Senador Alan.
Ayon naman kay Senador Pia, dapat pag-usapan ng mga mambabatas tulad nila ng kanyang kapatid kung ano ang susunod nilang hakbang para matugunan ang mga issue ng utang.
“Bilang mambabatas, job naming isipin ngayon ‘yan [na] ano naman ‘yung mga bagong batas na kailangan naming gawin — kung dati, ang paniguradong pambayad ay cheke, ngayon naman kung ayaw mo kaagad ng pag-send ng payment, ano ngayon ang transaksyon? — ‘Yan ang mga kailangan namin isipin,” wika niya.
Ang ‘CIA with BA,’ na unang ipinalabas noong February 5, ay ang pinakaunang public service program nina Senador Alan at Senador Pia bilang mga legal adviser sa telebisyon.
Tuwing Linggo, 11:30 p.m. sa GMA 7, matututo ang mga manonood tungkol sa mga batas ng bansa at paano nakakaapekto ang mga ito sa pang-araw-araw nilang mga buhay. Abangan ang bagong episode ngayong Linggo, Abril 30.
Ipinagpapatuloy ng magkapatid na senador ang naiwang legacy ng kanilang pumanaw na ama at orihinal na Compañero na si Senador Rene Cayetano. Ito ang namuno at nag-co-host ng popular na legal advice program na Compañero y Compañera sa radyo at telebisyon mula 1997 hanggang 2001.
The post Boy, Alan, Pia hinarap ang reklamo sa utang first appeared on Abante Tonite.
0 Comments