Libreng sakay ng DOTr sa mga beterano, balik ngayong lunes

Inanunsiyo kahapon ng Department of Transportation (DOTr) na nakatakda nang bumiyahe muli ang mga tren ng apat na railway lines sa bansa ngayong Lunes, Abril 10.

Ito’y matapos na apat na araw na magsuspinde ng biyahe nitong Mahal na Araw upang bigyang-daan ang kanilang taunang maintenance activities.

Ayon sa DOTr, balik na sa normal na operasyon ang mga tren ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT-2), Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Philippine National Railways (PNR) ngayong Lunes upang magbigay ng serbisyo sa mga mamamayan.

Kaugnay nito, inaasahang aarangkada na ring muli ang libreng sakay ng DOTr na ipinagkakaloob ng LRT-2, MRT-3 at PNR, para sa mga beterano, bilang pagdiriwang sa Philippine Veterans’ Week at Araw ng Kagitingan.

Nag-umpisa ang libreng sakay noong Miyerkules Santo, Abril 5, at itinigil ng Abril 6 hanggang Abril 9 dahil sa Mahal na Araw.

Aarangkada namang muli ang naturang free rides para sa mga beterano simula ngayong Abril 10, 11, at 12.

Ayon sa DOTr, upang makapag-avail ng libreng sakay, kinakailangan lamang ng mga beterano na iprisinta ang kanilang balidong identification card mula sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO).

Para sa MRT-3, pagkakalooban rin nito ng libreng sakay ang isang kasama o companion ng beterano sa mga nasabing araw. (Dolly B. Cabreza)

The post Libreng sakay ng DOTr sa mga beterano, balik ngayong lunes first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments