`Sugar Baby’ Hinuthot P10M ng abogado

Ni Nancy Carvajal

Timbog ang isang 22-anyos na babae sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos ireklamo ang modus nito kung saan ay kinakaibigan online ang mga madatung at propesyonal na senior citizen para akitin at i-blackmail.

Ginagamit umano ng suspek ang mga pangalang Marielle at Lyka Padel, taga-Taytay, Rizal, na nasakote ng mga ahente ng NBI Anti-Organized and Transnational Crime Division sa isang mall sa Quezon City makaraang tanggapin ang marked money mula sa pinakahuli niyang biktima na isang 68-anyos na abogado.

Nabatid na umabot na umano sa P10 milyon ang naibigay ng biktima sa suspek.

Nalaman ng NBI na kabilang ang naturang abogado sa mga naging biktima ng modus ng suspek na kinakaibigan online ang mga propesyonal para sa kanyang pamba-blackmail.

Sa kanyang reklamo, sinabi ng biktima na nagkakilala sila ng suspek sa social media at nagsimula siyang pagbantaan ng suspek na ilalantad ang kanilang mga ginawa matapos na magtalik sila.

Makalipas umano ang tatlong araw ay sinabihan siya ng suspek na buntis ito at humihingi sa kanya ng malaking halaga para ipalaglag umano ang kanyang dinadala sa sinapupunan dahil sa takot sa kanyang ina at para hindi rin malagay sa kahihiyan ang pamilya ng biktima.

Lumala umano ang pananakot ng suspek nang tumawag naman sa kanya ang isang babae na nagpakilalang si Lyka na kambal umano ng suspek. Sinabi umano ng babae na namatay ang kanyang kapatid matapos magpa-abort at sinisisi ang suspek sa sinapit nito.

Kasunod nito ay panay na umano ang pagbabanta ni Lyka sa biktima na isusumbong sa kanilang ina ang pagkatao niya para malagay sa eskandalo ang abogado. Masisira umano ang reputasyon ng kanyang pamilya bilang isang may asawang tao at pati na ang pagiging abogado, maliban na lamang kung magbibigay ng pera ang biktima.

“Complainant was completely terrorized by Lyka’s continuous threats and demands, which were all sent through online social media messaging, until recently, the former discovered that all of what Lyka had told him were lies and false representations,” ayon sa NBI report.

Nadiskubre ang modus ng suspek dahil na rin sa mga social media post ng kanyang mga magulang at kaanak kung saan ay ipinagmamalaki ang nabili nila na bagong bahay at lupa, kotse, pagbakasyon at mga party.

Kasama sa nireklamo ng abogado ang mga magulang ng suspek na kinilalang sina Rosalie `Sally’ Cruz Padel at Edgar Padel para sa mga kasong estafa, falsification at extortion.

“The parents who also benefitted from her illegal acts as they consented and encouraged her to continue acquiring so much money even without being gainfully employed, should also be held liable,” ayon sa affidavit ng biktima.

Layon din umano ng kanyang pagsumbong sa mga awtoridad na hindi na mangyari ang ganitong ilegalidad sa ibang tao.

The post `Sugar Baby’ Hinuthot P10M ng abogado first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments