Tsekot nagasgasan; 2 paslit sinipa ng negosyante

Arestado ang 46-anyos na negosyante nang murahin at sipain umano ang dalawang batang may edad 9 at 10, matapos magasgasan ang nakaparada niyang kotse sa Brgy. Central, Quezon City, nitong Biyernes.

Kinilala ni PLt. Col. Robert Amoranto, Station Commander ng Kamuning Police Station (PS 10) ang dinakip na si Piny Todio, 46, nakatira sa Agham Road, Brgy. Central, Quezon City.

Sa report, bandang alas-6:00 ng gabi (Abril 27), naghahabulan ang dalawang bata at paikot-ikot malapit sa nakaparadang sasakyan ng suspek nang biglang tumunog ang alarm ng kotse.

Dahil dito ay lumabas ng bahay ang suspek at nakita niyang may gasgas sa driver side.
Nagalit si Todio at hinawakan ang mga kamay ng mga biktima, saka kinaladkad patungo sa kanyang nakaparadang sasakyan at sinigawan.

Hindi pa nakuntento, sinipa umano ng suspek ang mga bata na nagresulta sa pagbagsak ng isa dito at nasugatan sa kanang braso.

Agad namang humingi ng tulong sa mga awtoridad ang lolo’t lola ng mga biktima na ikinaaresto ni Todio.
(Dolly Cabreza)

The post Tsekot nagasgasan; 2 paslit sinipa ng negosyante first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments