NI: ROLDAN CASTRO
Ipinagmamalaking ihandog ng Vivamax ang “Fall Guy”, isang pelikulang sumasalamin sa ating lipunan, mula sa respetadong direktor na si Joel Lamangan.
Ang bidang si Sean De Guzman ay pinarangalang Best Actor sa Chithiram International Film Festival sa India at sa Anatolian Film Awards sa Turkey para sa pelikulang ito.
Si Sean ay gumaganap bilang si Julius Sumpay, laking iskwater. Hiwalay ang kanyang mga magulang. Namamasukan siya bilang caretaker sa ancestral home ng pamilya Garcia. Katulong rin dito ang kayang ina na si Lourdes (Shamain Buencamino).
Pinapangarap ni Julius na mamuhay rin ng marangya tulad ng kanyang boss na si Fonzy (Vance Larena), kahit lagi naman siyang pinaaalalahanan ni Lourdes na ‘wag sumali sa kanila. Pero dahil amo niya ito, kung nasaan si Fonzy ay nandoon rin siya. Dahil malaya siyang magsaya sa party nila Fonzy, tila “belong” na rin siya sa kanila. Pero isang pangyayari ang sasampal ng katotohanang hindi ito totoo.
Pagkatapos ng party, nagising si Julius sa tabi ng babaeng wala nang buhay. Si Jenie (Cloe Barreto) ay ginahasa at namatay sa mga kamay nina Fonzy at ng kanyang mga kaibigan. Laking gulat na lamang ni Julius na siya na ang tinuturong kriminal.
Pinapakita ng “Fall Guy” ang mapait na katotohanang nagagawa ng mga mayayamang abusuhin ang kanilang kapangyarihan. Tinatakasan nila ang parusa, habang ang mga pobreng walang kasalanan ay nagdurusa at hirap makakuha ng hustisya.
Sa kaso ni Julius, malilinis pa kaya niya ang kanyang pangalan kung katarungan rin ang sinisigaw ng nagluluksang nanay ni Jenie na si Beth (Glydel Mercado)?
Mula sa panulat ni Troy Espiritu, ang “Fall Guy” ay tinatampukan din nina Marco Gomez, Glydel Mercado, Tina Paner, Quinn Carrillo, Mark Cardona, Tiffany Grey, Hershie de Leon, Jim Pebanco, at marami pang iba.
Mapapanood sa Vivamax simula May 12, 2023.
0 Comments