Siyam na opisyal ng isang investment group ang kinasuhan ng NBI Lucena District Office ng 40 counts of syndicated estafa matapos mangolekta ng milyong pisong halaga ng contributions mula sa kanilang mga investors sa kanilang ‘paluwagan’ scheme sa Quezon.
Sa rekomendasyon ni Atty, Bernard de la Cruz, Agent-in-Charge ng NBI-Lucena, sinampahan sa provincial prosecutors office sa Infanta, Quezon ng kasong paglabag sa Article 315, in relation to Presidential decree no 1689 at paglabag sa Securities regulation code under Republic act 8799 ang siyam na administrator ng grupong tinatawag na “Team Payaman”.
Ito ay matapos magreklamo sa NBI ang 40 biktima na sumali sa grupo at nakuhanan ng kabuuang P31,568,861
Kinilala ang siyam na kinasuhan na sina Grace Gamase, 40; Kimberly Claire Peñamante Sucuano, 22; Marialyn Quirrez-Peñaojas, 34; Nielyn America- Vargas, 40; Lorelie Gamase-Armada, 42; Marian Hayno Avellano, 24; Eva Suco; Ronabelle Beguia-Cirine at Rica Rutaquio.
Nangyari ang nasabing investment scam mula Mayo 2022 hanggang January 2023.
Ayon sa NBI, na-establish ang kasong estafa o swindling sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng mga administrator ng Team Payaman ng ‘paluwagan o tornohan” isang uri ng lokal na investment scheme.
Sa pamamagitan ng social media at personal invitation sa mga kakilala, nangungumbinsi ang mga ito ng sasali sa ‘paluwagan’ at kokolektahan ng pera ang mga miyembro kapalit ng malaking tubo.
Kinokolekta ng mga administrator ng hulog ng mga amiyembro sa pamamagitan ng G-Cash, bank transfer at personal contributions.
Para makumbinsing sumali ang mga target member at hindi maghinalang scam ang kanilang modus, nagpo-post ang grupo sa kanilang social media account ng mga litrato ng maraming pera, mga mamahaling alahas, mga bagong sasakyan at mga bagong bahay na sinasabi nilang pwede nilang makamtam. (Ronilo Dagos)
The post 9 timbog sa paluwagan scam first appeared on Abante Tonite.
0 Comments