Aabot sa P40 milyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy sa sunog na nagsimula sa stock room ng isang sangay ng Mercury Drug nitong Biyernes sa Paranaque City.
Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan bagama’t nadamay din ang ilang mga katabing establisimiento, kabilang ang isang computer shop, security agency at pahayagang Brigada, boutique at maging ang bahagi ng Land Transportation Office (LTO) dahilan upang isara muna ito.
Ayon sa security guard na si Raymund Tojong, alas-8:30 ng umaga nang mawalan umano ng supply ng kuryente sa binabantayang drug store sa Olivarez Plaza sa Ninoy Aquino Ave., Brgy. San Dionisio, Sucat, kaya’t nagpunta siya sa generator upang ito’y paandarin.
Gayunman, makalipas ang ilang minuto ay bigla na lang aniyang nagliyab ang kuryente malapit sa generator hanggang sa tumawid na ang apoy sa stock room.
Sa ulat ng BFP na nakarating sa tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft, alas-10:25 ng umaga nang makontrol na ng mga bumbero ang apoy na umabot sa ikatlong alarma.
Patuloy pang nagsasagawa ng pagsisiyasat ang mga tauhan ng Paranaque Bureau of Fire Protection. (Betchai Julian)
The post P40M nasunog sa Paranaque first appeared on Abante Tonite.
0 Comments