Tiniyak ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. na patuloy niyang babantayan ang sitwasyon ng peace and order sa Negros Oriental, apat na buwan matapos ang sinapit na trahedya ni dating Governor Roel Degamo at 10 iba pa.
Inihayag ito ni Abalos sa isang command conference sa pagitan ng mga opisyal ng pulisya at lokal na pamahalaan sa lalawigan noong Sabado.
Hinimok ng kalihim ang mga ito na magtulungan para mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa lalawigan na inuga ng kontrobersya dahil sa pagkakasangkot ni Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves bilang mastermind umano ng krimen.
Aniya, apektado ang ekonomiya ng isang lugar kung may problema sa peace and order.
Gayunman, idiniin ng kalihim na unti-unti nang bumabangon ang lalawigan batay sa pagbaba ng antas ng kriminalidad dito.
“Marami nang nangyari. Ang importante, we should look forward and take control of the situation. We owe it to our province and the people of Negros,” ani Abalos.
Ginarantiyahan din ng kalihim sa mga residente ng lalawigan na maparurusahan ng batas ang mga sangkot sa pinakamalaking krimen na yumanig sa lalawigan.
“Huwag kayong mag-alala, lalabas at lalabas ang katotohanan at mamamayani ang hustisya,” dagdag nito.
Nangangamba naman ang biyuda ng pinaslang na gobernador na si Pamplona Mayor Janice Degamo ng pagsiklab pa ng mga karahasan sa darating na Barangay ang Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
The post Abalos babantayan Negros Oriental first appeared on Abante Tonite.
0 Comments