Bebot tinarakan ng ka-date sa hotel

Sugatan ang isang 34-anyos na babae matapos na pagsasaksakin ng lalaking kasama niyang nag-check in sa isang hotel sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa ng gabi.

Nai-report lamang ang insidente sa Manila Police District-Station 11 dakong alas-nuwebe ng umaga nitong Linggo, Hulyo 2, matapos na maaresto ang suspek na kinilalang si Carlo Oblimaga y Arsinal, 26-anyos, nakatira sa Baseco, Port Area.

Dinala naman ang biktimang si Noemi Lambo sa hindi na pinangalanang ospital para mabigyan ng lunas ang mga tinamong saksak sa katawan.

Ayon sa inisyal na ulat ng MPD-Station 11, nangyari ang krimen dakong alas-10:00 ng gabi sa loob ng Sogo Hotel.

Nagpapatrulya ng oras na iyon si Corporal Arnie Umaga ng Gandara Police Community Precinct kung kaya’t namataan nito ang kaguluhan sa loob ng lobby ng hotel. Nakitang pinipigilan ng guwardiya na makaalis ng hotel ang suspek matapos na madiskubre na sugatan ang kasama nitong babae.

Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa tangkang pagpatay sa biktima.

Sasampahan naman ng kasong frustrated homicide ang suspek sa Manila Prosecutor’s Office. (Juliet de Loza-Cudia)

The post Bebot tinarakan ng ka-date sa hotel first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments