Malinaw na inaantala 

Matapos paboran ng Korte Suprema ang Taguig City sa pinag-aagawang teritoryo ay isang isyu na naman ang inilulutang ng Makati City government.

Ito ay ang hinirit na ‘Writ of Execution’ ngayon ng Makati City.

Iginigiit ng Makati na susundin lamang nila ang final decision na inilabas ng Supreme Court kung makapag-isyu na ang Kataas-tasaang Hukuman ng ‘Writ of Execution.’

Para kay Makati City Administrator Claro Certeza nilabag ng Taguig government ang rule of law nang pumasok ito sa mga public schools na nasasakop ng disputed land.

Subalit dapat maunawaan ng Makati na bago pa man nangyari ang kanilang pag-aagawan sa teritoryo ng Taguig ay may mga nauna na sa kanila na kahalintulad na kaso kung saan ipinatupad ang kautusan ng SC nang walang Writ of Execution.

Isa katulad na kasong maiuugnay dito ang Camarines Norte v Province of Quezon na niresolba ng SC sa ipinalabas na desisyon noong November 1989 para tuldukan ang 67-taon territorial dispute ng dalawang lalawigan na nakaapekto sa siyam na barangay.

Nang ibaba ng SC ang desisyon sa Camarines Norte v Province of Quezon territorial dispute noong 1989 ay hindi rin naging madali sa mga local officials ng Quezon na tanggapin ang desisyon. Nagkaroon din ng delaying tactics sa panig ng Quezon LGU kaya noong 2001 ay balik sa korte ang dalawang probinsya sa paghahain ng dalawang magkaibang petisyon. Pinanindigan naman ng mga mahistrado ng SC na final and executory na ang ibinabang desisyon at ang ibig sabihin ng FINIS sa isang kaso ay END.

Kung ikukumpara sa 30-taon agawan ng teritoryo ng Makati at Taguig ay hindi hamak na mas matagal ang bardagulang nangyari sa Camarines Norte at Quezon dahil inabot ito ng 67 taon.

Ganitong-ganito ngayon ang senaryo sa Makati at Taguig.

Malinaw naman ang desisyon ng SC: “The Supreme Court has put an end to the land dispute between the city governments of Makati and Taguig in connection with the Fort Bonifacio Military Reservation where the Bonifacio Global City Complex is now located. The Court ruled that the disputed properties are within the territorial jurisdiction of Taguig City”. Malinaw din sa desisyon na hindi na tatanggap ang korte ng anumang pleadings, motions, letters o anumang uri ng komunikasyon ukol sa kaso dahil nagkaroon na ng entry of judgment.

Sinabi pa ng SC sa nasabing kaso na “ Respondents (local officials) owe a special duty faithfully and honestly to comply with final decisions of this Court. It is of essence of an ordered and civilized community that the function of final resolution of disputes be located in a particular institution. In our system, that institution is this Court. Where, as here, there is clear and contumacious defiance of, or refusal to obey this Court’s Decision, we will not hesitate to exercise our inherent power if only to maintain respect to this Court, for without which the administration of justice may falter or fail”.

Sa kabila nito, nagmamatigas pa rin si Makati City Mayor Abby Binay at iba pang opisyal ng lungsod ng Makati na iginigiit na kailangang hintayin ang Writ of Execution.

Sa nangyari sa Camarines Norte v Province of Quezon case, walang ipinalabas na Writ Of Execution ang SC pero ipinatupad ito nang maayos ng mga ahensya ng gobyerno sa pangunguna ng DILG, Comelec, DOF, Department of Environment and Natural Resources(DENR), Department of Budget and Management(DBM) at National Statistics Office(NSO).

Pinuri pa nga ng SC ang nasabing mga ahensya sa sama-samang aksyon para ipatupad ang desisyon na kumikilala na ang 9 na barangay ay parte ng Camarines Norte.

Sa kasalukuyang ginagawa ng Makati officials, pinapatagal nila ang usapin gayong malinaw na nagbaba na ng pinal na desisyon ang SC. Umaasa pa rin silang mababago ang desisyon kahit FINIS na ang legal na usapin. Sa nangyayaring ito, pilit nilang pinapagulo ang sitwasyon, pilit ding pinag-aalab ang emosyon ng mga residente, ginugulo ang isip, naghahasik ng pagkalito.

Ang ating panawagan, igalang ang desisyon ng SC kahit hindi ito umaayon sa pansariling interes ninuman.

The post Malinaw na inaantala  first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments