Tenant tigok sa anak ng caretaker

Patay ang isang tenant ng paupahang bahay matapos itong barilin ng anak ng caretaker ng naturang bahay sa Brgy. Bagumbayan, Tanauan City, Batangas, nitong Linggo ng gabi.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktimang si Lester Patega, 29, isang pintor, matapos magtamo ng bala sa ulo.

Ayon sa Tanauan City police, kararating pa lang sa bahay ng biktima galing sa barangay hearing kaugnay sa problema ng biktima sa pag-upa sa nasabing bahay.

Nagkaharap ang biktima at ang caretaker na tatay ng suspek sa barangay hall at naayos ang usapin.

Subalit sa hindi malamang dahilan, sinundan pa ng suspek na si Alfred Landicho, 38, anak ng caretaker, ang biktima sa kanyang bahay at walang sabi-sabing binaril.

Nadamay pa sa pamamaril ang isang Jaymar Davan na tinamaan ng ligaw na bala.

Mabilis na tumakas ang suspek na sumakay sa kanyang motorsiklo.

Pinaghahanap pa ngayon ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong murder at frustrated murder. (Ronilo Dagos)

The post Tenant tigok sa anak ng caretaker first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments