Anim na katao ang nagtamo ng mga minor injuries sa mahigit 24-oras na sunog na nangyari sa Valenzuela City noong Huwebes.
Ayon sa report ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagtamo ng paltos, sugat sa mga daliri, kamay, binti at paa ang mga nagsilikas na residente, pati na ang mga nagresponde sa nasusunog na tatlong magkakadikit na warehouse sa J. Molina St., Barangay Bagbaguin ng lungsod.
Sumiklab ang sunog sa mga warehouse ng ibat-ibang tools at straw noong Huwebes ng alas-12:19 ng tanghali.
Sa haba ng oras sa pag-apula ng apoy, napilitang magsilikas sa evacuation centers ang may 118 pamilya at residente mula sa Barangay Bagbaguin at Paso De Blas, ilang metro lamang ang layo sa naglalagablab na bodega na umanoy pag-aari ni Willy Go.
Unang inilikas ang may 200 empleyado habang binabalot na ng maitim na usok ang warehouse.
Kahapon ng alas-12:40 ng tanghali nang maapula ang sunog, pero hindi pa rin ito maideklarang fireout sapagkat mausok pa rin ang loob ng bodega.
Pagtataya ng mga bumbero, posibleng inabot ng 2-araw ang sunog kung hindi umulan.
Inaalam pa ng mga fire investigators kung ano ang pinagmulan ng sunog at halaga ng ari-ariang tinupok. (Orly Barcala)
The post 24-oras sunog sa Valenzuela, 6 nadale first appeared on Abante Tonite.
0 Comments