Ex-vice mayor kinalawit sa airport scam

Ni Nancy Carvajal

Nasakote sa entrapment operation ang isang dating vice mayor sa Valenzuela City noong Biyernes matapos ireklamo ng isang dayuhang negosyante na niloko umano ng suspek ng milyong-milyong halaga ng investment para sa suplay raw materials na gagamitin umano sa Bulacan International Airport.

Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Organized and Transnational Crime Division chief Atty. Jerome Bomediano, nag-solicit ang suspek na si Evelyn “Jing” Hernandez mula sa complainant na kinilalang si Georgious Andreas Georgious na umabot sa kabuuang halaga na P14 milyon noong 2021 para makuha umano ang kontrata sa suplay ng raw materials sa pagpapatayo ng naturang paliparan.

Base sa testimonya ng nagreklamong dayuhan sa NBI, hinikayat siya ni Hernandez na mamuhunan sa naturang kontrata at pinangakuan ng P100 milyong return of investment sa loob ng limang taon.

Ibinida pa umano ni Hernandez na mayroon itong kontak sa loob ng San Miguel Corporation (SMC) at sa BM Logistic Inc. na siyang main proponent umano ng proyekto.

Subalit nadiskubre ng NBI na wala namang kontrata si Hernandez sa SMC at BM Logistics Inc.

Sabi ng dayuhan, wala pa siyang natatanggap na return on investment mula nang magbigay siya ng pera kay Hernandez noong 2021.

Noong Marso 2023 ay tinanong na umano niya si Hernandez tungkol sa kanyang investment sa airport project.

“Instead of giving the businessman an update of the investment, Hernandez supposedly asked for more money for a project located in Cebu. The complainant assisted by his lawyer filed a complaint before the NBI,” ayon kay Bomediano.

Sa nasabing reklamo, sinabi ng dayuhan na hindi siya nagduda na lolokohin ni Hernandez dahil ipinakilala ito sa kanya ng isang common friend at kilala rin ito bilang isang politiko.

Ipinakilala pa umano siya ni Hernandez kay Mayor Edwin Santos at kanilang pinag-usapan ang suplay ng raw materials.

Inaresto ng NBI si Hernandez sa loob ng isang coffee shop sa Cubao, Quezon City matapos tanggapin mula sa dayuhan ang isang envelope na naglalaman ng P50,000 bilang advance money umano para sa Cebu project.

Sasampahan si Hernandez ng mga kasong estafa at paglabag sa mga regulasyon ng Securities and Exchange Commission.

The post Ex-vice mayor kinalawit sa airport scam first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments