Diokno binudol mga senador

Dinikdik ni Senador Risa Hontiveros si Finance Secretary Benjamin Diokno dahil hindi umano ito nagsasabi mg totoo sa kontrobersiyal na Maharlika Investment  Fund (MIF).

Ito’y makaraang suspindehin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa MIF.

“Inaasahan ko na ang suspensyong ito ay nangangahulugan na nagsisimula nang pakinggan ng Pangulo ang ating mga babala,” pahayag ni Hontiveros nitong Miyerkoles, Oktubre 18.

Si Hontiveros ang tanging senador na hindi bomoto nang ipasa sa Senado ang Maharlika Investment Fund Act of 2023.

“Sa katunayan, maraming probisyon sa MIF Act ang nangangailangan ng masusing pagsusuri na sa aking pananaw ay hindi basta-bastang maisasaayos – dahil malinaw na minadali ang batas, at hindi tayo handa ngayon na suportahan ang isang wealth fund,” sabi ni Hontiveros.

Sa pagsuspinde sa IRR ng naturang batas, sinabi ni Hontiveros na malinaw na hindi totoo ang sinabi ni Secretary Diokno sa Senado na may labis na pondo ang Development Bank of the Philippines (DBP) at Land Bank of the Philippines (LBP) na hindi umano ginagamit at maaaring ilagak sa MIF.

“Tila wala siyang kakayahang makita ang maaaring masamang epekto dulot ng panggugulo sa finances ng Land Bank at DBP. Dati pa naman siyang BSP governor,” saad pa ng senador.

Aniya, nakaambang bawasan ng MIF ang kakayahan ng DBP at Landbank na magbigay ng pautang para sa mga magsasaka, mangingisda, at mga agri-negosyante ng higit sa P700 bilyon.

“Sa katunayan, ayon sa posisyon ng Bangko Sentral, kinakailangan na i-recapitalize ang DBP at Landbank. Saan kukunin ang pondo para dito? Ito’y kukunin pa sa utang,” ani Hontiveros.

Sinabi pa ng senador na dapat manatiling suspendido ang implementasyon ng MIF Act hanggang maresolba ang bawat kahinaan o alalahanin hinggil sa batas na ito.

Samantala, igniit ni Albay Rep. Edcel Lagman na dapat suspendihin ni Pangulong Marcos ang implementasyon ng buong MIF Law at hindi lamang ang IRR nito.

“What should be suspended by the President is the entire implementation of the law for further in-depth study for perfecting amendments, if still possible, or final repeal because current negative economic indicators do not support the enactment and implementation of the MIF,” sabi ni Lagman.

Lubos umanong maaapektuhan ang pondo ng DBP at Landbank dahil sa laki ng pondong ilalagay ng mga ito sa MIF kaya kinailangan pa nilang humingi ng exemption sa reserve requirement ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sinabi ni Lagman na wala ring foreign investor na sumaklolo sa MIF. 

Ipinahayag naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na karapatan ng Pangulo na suspindehin amg implementasyon ng MIF.

Sabi ni Zubiri, noong pinagdedebatehan ang Maharlika bill, pinaalalahanan nila ang Malacañang laban sa fund placement na maaaring magresulta sa pagkalugi nito.

Sinang-ayunan naman ni Senador Francis Escudero ang hakbang ng Pangulo at sinabing kung ano man ang butas o pagkukulang na nakita sa MIF Act ay maaari pang ayusin at linisin ito. (Dindo Matining/Billy Begas/Eralyn Prado)

The post Diokno binudol mga senador first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments