SLEX, MCX, may dagdag-singil sa Nov 3

Nakatakdang magpatupad ng toll rate hike ang South Luzon Expressway (SLEX) at Muntinlupa–Cavite Expressway (MCX), simula sa Nobyembre 3.

Ayon sa Toll Regulatory Board (TRB), alinsunod sa naturang toll rate adjustment sa SLEX, ang mga motoristang bumibiyahe mula Alabang hanggang Calamba ay magbabayad ng karagdagang P10.00 para sa Class 1 vehicles; P20.00 para sa Class 2 vehicles at P30.00 naman para sa Class 3 vehicles.

Samantala, ang mga bumibiyahe mula sa Calamba hanggang Sto. Tomas, Batangas ay magbabayad ng karagdagang P4.00 para sa Class 1 vehicles; P6.00 para sa Class 2 vehicles; at P8.00 naman para sa Class 3 vehicles.

Sa MCX toll gates naman, nasa P1.00 ang toll rate hike para sa Class 1 vehicles; P2.00 para sa Class 2 vehicles at P3.00 naman para sa Class 3 vehicles.

Ayon sa TRB, noong Setyembre 12, 2023 ay inotorisa nila ang koleksiyon ng provisional toll rate adjustments para sa SLEX, alinsunod sa mga petisyon para sa Periodic Toll Rate Adjustments para sa taong 2012 at 2014.

Kamakailan lamang umano ay inimpormahan na ng SMC SLEX, Inc. at Manila Toll Expressways Systems, Inc. ang TRB hinggil sa kanilang intensiyon na ipatupad na ang koleksiyon ng naturang toll rate increase simula sa Nobyembre 3, 2023.

Anang TRB, ito ang 1st periodic toll rate adjustments para sa SLEX simula 2011.

Samantala, inaprubahan din ng TRB ang provisional toll rate adjustments para sa MCX alinsunod naman sa mga petisyon para sa approval ng Periodic Toll Rate Adjustments para sa 2018 at 2020 na inihain ng Ayala Corporation.

Para mapagaan naman umano ang impact ng mga toll rate hikes sa mga motorista, ipatutupad ang mga naturang toll rate adjustment sa dalawang tranches.

Ang unang tranche umano ay ipatutupad ngayong taon habang ang ikalawang tranche naman ay asahan na sa susunod na taon.

The post SLEX, MCX, may dagdag-singil sa Nov 3 first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments