3 pambato ng ‘Pinas ‘di pinalad

Nakipagsabayan ang tatlong lahok ng ‘Pinas pero dehins umubra sa mga mas tigasing karibal sa 2nd Volleyball World Beach Pro Tour (BPT) Challenge Philippine leg qualification Huwebes sa Nuvali Sand Courts sa Santa Rosa City.

Kinapos ang first-timers sa national team na sina Sofiah Pagara at Khylem Progella kina world No. 47 Zhu Lingdi at Shuting Cao ng China, 18-21, 16-21, sa women’s division.

Bigo rin sina Anthony Arbasto at Alche Gupiteo kina world No. 157 Yusuke Ishijima at Takumi Takahashi ng Japan sa men’s qualification, 18-21, 21-19, 11-15.

Maging ang beteranong pares nina James Buytrago at Rancel Varga laban kina world No. 85 Issa Batrane at Frederick Bialokoz ng England, 11-21, 12-21, sa kompetisyong inoorganisa ng Philppine National Volleyball Federation sa liderato ni Ramon ‘Tats’ Suzara.

Suportado ito ng Ayala Land, Mikasa, Senoh, Philippine Sports Commission, Pinay In Action at Smart bilang gold sponsors at ng PLDT, Gatorade, Maynilad, Rebisco, Ayala Malls, Department of Tourism, CBPI, Club Laiya at Foton na bronze sponsors.

Nakikipaglaro pa ang bet ng din PH na sina Jen Eslapor at Floremel Rodriguez sa women’s gayundin sina Ran Abdilla at Jaron Requinton sa men’s hanggang sa 24-team main draw ng world beach volleyfest.

Ang Brazilian na si Jao Luciano Kiodai ang nagtuturo sa mga Filipino spiker sa kanilang laban sa sand giants, na binubuo ng mga nangungunang manlalaro, Olympian at mga world champion mula sa mahigit 30 bansa.

Nasa 16 na mga koponan lang sa bawat kasarian ang nasa main draw sa ngayon kung saan walo pa ang mga susungkit ng kanilang mga puwesto mula sa qualifying.

Ang Nuvali leg ng BPT ang huling hinto bago ang finals sa Disyembre 6-9 sa Doha, Qatar pagkatapos ng mga paluan sa Mexico, Brazil, Czech Republic, Switzerland, Canada, Germany, Latvia, Portugal, France, India, China at Thailand .

Ito rin ay nagsisilbing isang napakalaking yugto para sa mga bansa na makakuha ng mga kinakailangang puntos upang makapasok sa 2024 Paris Olympics.

Ang PNVF hosting ng BPT ay kasunod ng kampeonato ng bansa sa Volleyball World Beach Pro Tour Futures sa kagandahang-loob nina Jovelyn Gonzaga at Sisi Rondina noong nakaraang taon.

Gayundin ang kapuri-puring fifth-place finish nina Eslapor at Rodriguez ngayong taon sa Asian Games beach volleyball sa Hangzhou, China.

(Lito Oredo)

The post 3 pambato ng ‘Pinas ‘di pinalad first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments