66 probinsya, 9 siyudad delikado sa tsunami – Phivolcs

Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na maraming lalawigan at siyudad sa bansa ang nanganganib sakaling magkaroon ng tsunami.

Sa panayam ng CNN Philippines nitong Biyernes, Nobyembre 3, sinabi ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol na 66 mula sa 82 probinsya ang namumuro na malagay sa panganib kapag nagkaroon ng tsunami.

Kapag nagkaroon aniya ng magnitude 8.3 na lindol sa Manila Trench, posibleng umabot ang tsunami sa 3.5 metrong taas at babahain hanggang 2.7 kilometro ang layo.

May siyam na siyudad naman aniya sa National Capital Region ang posibleng tamaan ng tsunami.

Ang mga lugar na nanganganib sa tsunami ay nasa mga mababang lugar umano matatagpuan.

Tinukoy ng Phivolcs chief ang siyam na siyudad sa NCR na posibleng tamaan umano sakaling magkaroon ng tsunami at kabilang dito ang Caloocan, Las Piñas, Manila, Makati, Malabon, Navotas, Pasay, Parañaque, at Valenzuela.

Tiniyak naman ni Bacolcol na mayroon na silang mga ginagawang kaukulang hakbang upang maibsan ang epekto sakaling magkaroon ng tsunami katulad ng hazard mapping sa mga delikadong lugar sa bansa.

The post 66 probinsya, 9 siyudad delikado sa tsunami – Phivolcs first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments