Kamara kinalampag DOH: Mga doktor buking sa tax evasion

Mayroon umanong mga doktor na hindi tumatanggap ng guarantee letter (GL) ng gobyerno bilang kabayaran sa kanilang serbisyo dahil mapipilitan silang magbayad ng buwis.

Ayon kay Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, dapat matugunan ng Department of Health (DOH) ang problemang ito para matulungan ng gobyerno ang mga mahihirap na pasyente sa pagbabayad ng kanilang hospital bills.

Sa nakaraang pagdinig ng Commission on Appointments (CA), ipinarating ni Villafuerte kay Health Secretary Teodoro Herbosa ang reklamo na natanggap niya mula sa mga pasyente kaugnay ng mga doktor, partikular ang mga naniningil ng P100,000 o higit pang professional fee na ayaw tumanggap ng GL.

Ibinibigay ang GL sa mga mahihirap na pasyente ng DOH sa ilalim ng Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP) program at magagamit na pambayad sa ospital.

“`Pag pumasok sila (indigent patients) sa regional hospital, covered ng PhilHealth (Philippine Health Insurance Program), pupuntang Malasakit, then merong MAIP,” sabi ni Villafuerte.

“However, minsan may billing po, P100,000 … P200,000 ang professional fee, hindi po ina-accept ng mga doktor ang MAIP. Malaki pong problema `yan. While there are funds available, while MAIP funds are available … hindi po ina-accept ng mga doktor,” dagdag pa ng mambabatas.

Ayon kay Villafuerte, mayroong mga doktor na ayaw tumanggap ng GL dahil sa ilalim ng MAIP ay hanggang 50% lamang ang kanilang makukuhang bayad, tumatagal ng dalawang buwan o higit pa bago makuha ang bayad, at napipilitan ang mga doktor na ideklara itong kita kaya kakailanganin nilang bayaran ang buwis para rito.

Sinabi naman ni Herbosa na alam nito ang problema at tatangkain umano itong resolbahin sa pamamagitan ng paglalabas ng utos na nagbabawal sa mga pribadong doktor na accredited ng DOH na manggamot sa ospital ng gobyerno na huwag tumanggap ng GL.

Maaari rin umanong alisan ng DOH accreditation ang mga doktor na ayaw tumanggap ng GL para hindi na makapanggamot sa mga ospital ng gobyerno.

Sinabi ni Herbosa na pabibilisin din ang sistema ng MAIP upang agad na matanggap ng mga doktor ang kanilang bayad.

Matapos isabatas ang Malasakit Centers Act o Republic Act 11463 noong 2019, ipinalabas ng DOH ang Administrative Order 2020-0060 upang amyendahan ang guidelines ng MAIP para lumawak ang saklaw nito at mapagsama-sama ang mga pondo para sa medical assistance.

Si Villafuerte ang isa sa may-akda ng RA 11463 na nagtatayo ng Malasakit Center sa lahat ng ospital ng DOH. Nagsisilbi itong one-stop-shop para sa mga humingi ng medical assistance.

Sa ilalim ng panukalang budget para sa susunod na taon, may nakalaang P22 bilyon para sa MAIP.

(Billy Begas)

The post Kamara kinalampag DOH: Mga doktor buking sa tax evasion first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments