Bigas, itlog nakaamba taas-presyo sa Pasko

Nagbabala ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na maaaring pumalo sa P52 hanggang P54 per kilo ang presyo ng bigas sa Disyembre dahil nagmamahal na ang palay.

Base sa ulat ng dzBB, sinabi ng SINAG na umabot na sa P29 per kilo ang presyo ng palay kaya’t posibleng sumipa sa P52 hanggang P54 per kilo ang presyo ng bigas. Noong Oktubre pumasok ang bulto ng mga ani kaya’t nagmamahal na ang bilihan ng palay.

Nagbabala rin ang SINAG na maaaring tumaas ang presyo ng itlog ng 20 hanggang 30 sentimo ang isa.

Bagamat sang-ayon ang SINAG sa pananaw ng Department of Agriculture na may sapat na suplay ng baboy at manok sa bansa, nanawagan ang grupo na kailangang bantayan pa rin ng mga awtoridad ang presyuhan dahil madalas tumataas ang halaga ng mga naturang produkto sa retail pagpasok ng Disyembre.

Ayon sa datos ng United Broiler Raisers Association, bumaba ang average farmgate price ng manok sa Luzon sa P84.93 nitong Biyernes (Nobyembre 3) mula sa P91.14 noong nakaraang linggo.

(Eileen Mencias)

The post Bigas, itlog nakaamba taas-presyo sa Pasko first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments