Idedepensa ng pareha nina Ágatha Bednarczuk at Eduarda Lisboa ng Brazil ang kanilang women’s title sa 2nd Volleyball World Beach Pro Tour (BPT) Challenge sa Lungsod ng Santa Rosa, Laguna.
Dumating na nitong Lunes ang mga tigasing manlalaro mula sa 17 bansa sa mahigit 30 kalahok, tatlong araw bago ang elite beach volleyfest na itinakda sa limang bagong world-class na sand court sa Nuvali.
Ikalawang taon pa lang ang PBT ng FIVB (International Volleyball Federation) na ipinalit sa FIVB Beach Volleyball World Tour. Ang Tour ay binubuo ng tatlong tiers na Future, Challenge at Elite 16 base sa nakatayang premyo at natatapos ang taon sa Finals tampok ang 10 best teams sa mundo.
Nasa bansa na ang women’s team ng Japan, Canada, USA, China, Japan, Brazil, Spain, Austria at Poland. Pati ang men’s squad ng Turkey, England, Australia, Ukraine, Italy, Lithuania, Portugal at Finland, ayon kay Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Ramon ‘Tats’ Suzara.
“It’s world-class beach volleyball action all of four days,” bulalas ni Suzara, na pinasalamatan ang Ayala Land sa pakikipagpartes sa PNVF sa pagpapagamit sa limang kompetisyon at isang warmup court.
Hindi makakasali ang 2021 champion Qatar nina Cherif Samba at Ahmed Tijan.
Ang qualification matches para sa kalalakihan at kababaihan ay nakatakda mula 8 a.m.-6 p.m. sa Huwebes, habang ang pangunahing draw sa Biyernes ay 9 a.m.-9 p.m.
Ang Sabado at Linggo ay para sa round of 16, quarterfinals, semifinals at finals.
Bubuo sa Team ‘Pinas sa ilalim nina Brazilian coach Joao Luciano Kiodai at Mayi Molit-Pochina, sina Ran Abdilla/Jaron Requinton, James Buytrago/Rancel Varga, at Alche Gupiteo/Anthony Arbasto s men’s contest at Gen Eslapor/Dij Rodriguez at newbie Sofia Pagara/Khylem Progella sa women’s play.
May 16 na koponan sa bawat isa sa pangunahing draw ng lalaki at babae habang 32 koponan ang magtutuos sa qualification round para rin sa bawat kasarian.
Inaasahan pa ang mga elite beach volleyball players ng Netherlands, Switzerland, Czech Republic, Germany, Estonia, Oman, Thailand, Latvia, New Zealand, Israel, Gambia, Morocco, Malaysia at Slovakia.
(Lito Oredo)
The post Mga de-kalibre bobomba sa Nuvali first appeared on Abante Tonite.
0 Comments