Nagdulot ng brown out sa dalawang barangay sa Lipa City ang pagkatumba ng mga poste ng koryente nang sumalpok sa isa sa mga ito ang isang Sports Utility Vehicle (SUV) nitong Lunes ng madaling araw.
Ayon kay Batangas Electric Cooperative (BATELEC 2) General Manager Octave Mendoza, makakaranas ng brownout ang Barangay Tambo at Barangay Sico matapos madamay ang lima pang poste ng kanilang kuryente.
Aabutin pa aniya ng ilang araw bago maibalik ang power sa naturang lugar habang patuloy ang pagkukumpuni ng kanilang maintenance crew.
Ayon sa report ng Lipa City police, alas-4:00 ng madaling araw nang sumalpok ang SUV na minamaneho ni Rainier Michael Sisnero, 22, taga-Barangay Pangao, Lipa City sa isang poste sa JP Laurel Highway sakop ng Barangay Tambo.
Nagkaroon umano ng domino effect hanggang tumumba na rin ang lima pang poste at madaganan ang isang cargo truck. Wala namang iba pang nasaktan maliban kay Sisnero.
Nagsuspindi na rin ng klase ang ilang eskwelahan na sakop ng brownout.
Ayon pa sa imbestigasyon, posible umanong lasing ang driver ng SUV kaya naganap ang aksidente.
Nahaharap naman sa kaso ang driver na hawak na ngayon ng Lipa PNP. (Ronilo Dagos)
The post Lipa City nagdilim! 5 poste nabuwal sa salpok ng SUV first appeared on Abante Tonite.
0 Comments