Lupa binungkal! Termite gang tumiba sa pawnshop

Umaabot sa mahigit P1.5 milyon halaga ng alahas at cash ang natangay ng pinaniniwalaang mga miyembro ng Termite gang matapos nilang looban ang isang pawnshop sa pamamagitan ng paghukay sa ilalim ng lupa sa Sorsogon City.

Ayon kay Police Lt. Col. Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol PNP, alas-8:10 ng umaga kahapon nang madiskubre ng mga empleyado ng Paracale Gold Pawnshop Branch 2, sa Barangay Talisay, West District, Sorsogon City, ang pagnanakaw matapos nilang buksan ang establisimento.

Ubos ang nasa 300 ibat-ibang alahas na nasa estante na mahigit sa P1.5 milyon gayundin ang cash na aabot sa P30,000 na nakalagay sa kaha.

Agad namang humingi ng tulong sa pulisya ang pamunuan ng pawnshop at base sa imbestigasyon ng Sorsogon City Police Station, lumalabas na dumaan sa imburnal ang mga suspek at hindi sa establisyimento at mula doon ay naghukay ang mga ito patungo sa loob ng pawnshop.

Posible ding nabutas ng mga suspek ang sahig ng pawnshop kamakalawa ng gabi o kahapon ng madaling araw kung saan nila nilimas ang mga alahas sa loob nito bago mabilis ding tumakas.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang makilala ang mga suspek.

(Edwin Balasa)

The post Lupa binungkal! Termite gang tumiba sa pawnshop first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments